11.10.08

Harry And Paul, Etnosentrismo't Krisis sa Representasyon

Noong bata pa lang ako'y inaabangan ko na talaga ang pagpatak ng Disyembro. Mano'y sa buwan na ito umuulan ng balikbayan box mula sa mga kamag-anak sa ibang bansa, partikular ang tiyahin kong sa Saudi nagtratrabaho. Laman ang mga tsokolate't laruan (ito ang pinaka-importante sakin nuon) atbp, hindi muna bubuksan ang kahon hangga't hindi kumpleto ang pamilya. Hindi pa "mga bagong bayani" ang tawag sa kanila, OFW pa lamang sila nuon.

Nito lang ay sumabog ang isyu hinggil sa racist na representasyon sa mga Filipinang OFW sa Harry And Baul ng BBC. At tulad nga ng ating reaksyon sa kahalintulad na insidente sa programang Desperate Housewives ng ABC, maraming nagalit at nagpahayag ng pagkainis. Ani pa nga ni representante Riza Hontiveros, ang palabas ay nagpakita ng "racist, humiliating and disgusting depiction of a Filipina domestic worker"

Kagalit-galit naman talaga ang eksena. Sa paglalarawan ng Harry and Paul show, animo'y ganito nga ang karaniwang Filipina domestic helper - uto-uto, kahit ano ipag-utos (kahit sekswal ang katangian) gagawin. Totoo ba ito? Malinaw na "hindi" ang agarang sagot ng marami.

Ngunit ang pagbubuo ng stereotype ay may pinagmumulan. Hindi ito isang biglaang penomena na tatatak kaagad sa kolektibong kamalayan ng isang organisasyon o bansa. Ito ay unti-unting pinagpupursigihan, bagama't hindi malay, upang maging dominanteng representasyon ng isang indibidwal o grupo. Kung gayu'y saan galing ang stereotype na ipinakita sa Harry and Paul? At ano ang dapat depiksyon ng isang Filipina?

Hindi kaila na ang sex industry ang isa sa posibleng pasukin ng isang OFW. Marami na rin namang expose hinggil sa mga OFW na domestic helper ang pinasukan, sex worker ang kinahantungan. Mayroon din namang "kusang loob" na pinili ang ganitong propesyon.

Kung babalikan ang dahilan ng kanilang pag-alis sa bansa, isa lang ang makikita ugat - kita. Kakulangan (sa iba'y kawalan) ng opurtunidad, mababang pasahod, o kung susumahin, kahirapan ang nagtutulak sa mga Filipino/a na lumabas ng bansa. Lahat ito sa kabila ng panganib na mapunta sa malupit na employer, pandarambong ng recruiter, at para sa mga sex workers, posibilidad na makakuha ng sakit. Bukod pa sa ibang bagay.

Hindi lang pamilya ng mga OFW ang "nabibiyayaan" ng dolyares. Maging ang gobyerno'y umaasa rin sa kanilang remittances. At para naman maibsan, sa cosmetic/simboliko na paraan, dineklara silang bagong bayani. Ginawan pa sila ng ispesyal na seksyon sa NAIA. At syempre ang kantang "bagong bayani" ni Nora. Lahat ito para maiparamdam sa kanilang espesyal nga sila, na malaking bagay ang ginagawa nila. Na totoo naman.

Kung kaya naman romantisado na ang nosyon sa isang OFW. Sa paglalarawan sa kanila bilang tagapagsalba ng bansa ay nai-interpelang "kampi tayo dahil kayo ang aming hero." Na sa totoo lang ay hindi. Hindi tayo magkakampi. Paano magiging magkakampi ang isang Filipinang pumasok sa prostitusyon para makaraos sa kahirapan, at ang sistema, kasama na ang mga ahenteng nito, na lumikha ng sitwasyon nya?

Ang poblema natatabunan ang kotradiksyung ito ng isang makitid na nasyonalistang pananaw na makikitaan ng tendensiya ng nativism. Importante ito para mamintina ang imahinaryong alyansa ng sistema at ng OFW. Ipagtatanggol ng sistema ang OFW, mula sa illegal recruiter (sana), marahas na employer (isa pang sana), at maninira ng dangal. Bagama't kabalintunaan, ang huli ang pinaka-popular at pangkaraniwang paraan ng sistema.

Babalik tayo sa tanung, anu nga ba ang dapat depiksyon sa Filipina? Mula sa pahayag ni Hontiveros, kabaligtaran ng pinakita sa Harry and Paul. Ngunit ito nga ba ang Filipinang OFW? Ang Filipinang OFW na nais ipostura ay yaong may dangal at hindi kahiya-hiya. Hindi ba nahihiya ang isang dating guro na nagtuturo sa halaga ng buong pamilya nang pagpasyahan nyang umalis ng bansa? O sa usapin ng mga sex workers, hindi ba sila nahihiya sa sarili at sa uuwian nila? May kahihiyan na magaganap dahil ang sistemang nagtulak sa kanilang pasukin ang ganung propesyon ang mismong nagpapataw ng moral na pamantayang kumukundina sa kanila.

Ang ating kolektibong ego-ideal sa mga OFW ay yaong marangal, di dapat tatakan ng negatibong stereotype, ani nga ni Hontiveros. Bakit? Meron na bang memo mula sa langit na nagsasabing ang mga Filipino, partikular ang Filipina OFW ay marangal na lahi, lahat sila pwedeng magmadre't pari. Wag nyo silang ilarawan o tingnan man lang sa bastos na paraan. Marangal silang nagpapa-alipin sa inyo." Ang ganitong conviction, na parang bang "above worldly ventures" ang mga Filipino OFW ay ethnocentric. Binubusog tayo sa imaheng malinamnam, ngunit wala namang sustansya. Kailangan nating makilala ang totoong posisyon ipinataw satin - serbedora/o ng mayayamang bansa. Mula dito'y magsasanga ang mga tanong hanggang sa makarating sa "sino at/o ano ang may kagagawan?"

Sa pagtalikod sa "nakakahiyang" katotohanan, lubusa tayong nagpapailalim.

P.S. Ani Edgardo Ermita hinggil sa isyu, "Some jokes are downright disgusting."

Edgardo, (if i may call you Edgardo,) totoong may nagutom na sa downright disgusting na joke (sa kaso ng mga naging anorexic) pero dahil sa downright disgusting na sistema may nagpakamatay na.

0 komento:

nahatak ng sentro de grabedad