10.10.08

Araling Pang-Komunikasyon, Kritika at Pagsusuri ni John Fiske*

Sa ‘Introduction to Communication Studies,’ pinangunahan ni John Fiske ang mambabasa na walang isang katangiann o lapat ang Araling Pang-komunikasyon (communication studies). Ayon sa kanya ang komunikasyon ay “diverse at multi-faceted”. Dagdag pa niya, hindi dapat ito ituring na “subject of study,” bagkus, isang “multi-disciplinary area of study.” Dahil na rin sa debate hinggil sa dapat na katangian ng pag-aaral sa komunikasyon, naglatag si Fiske ng kanyang mga palagay/asersyon:

1) kailangan ng ilang disciplinary approach para sa mas komprehensibong pag-aaral sa komunikasyon,

2) nangangailangan ng mga signos at koda ang komunikasyon,

3) gawi (practice) ng relasyong panlipunan (social relationships) ang pagpapadala at/o pagtanggap ng mga signos/simbolo/komunikasyon,

4) ang komunkiasyon ay “sentral sa buhay ng kultura.” Dahil dito ang pag-aaral ng komunikasyon ay nangangailangan ng pag-aaral sa kultura kung saan ito nakapaloob, at

5) ang pangkalahatang depinisyon ni Fiske sa komunikasyon ay “social interaction through messages”.

Kapansin-pansin ang ugnayan ng mga palagay na inilatag ni Fiske sa isa sa dalawang paaralan (school) sa pag-aaral ng komunikasyon, ang semiotika.

Ayon kay Fiske may dalawang paaralan sa pag-aaral ng komunikasyon, ang tinatawag niyang process school at ang semiotika. Magkaibang-magkaiba ang perspektiba ng dalawang paaralan hinggil sa komunikasyon.

Ang process school ay tinitingnan ang komunikasyon bilang proseso kung saan naapektuhan ng tagapagpadala ng mensahe ang ugali o di kaya’y kamalayan ng tumanggap. Base sa balangkas na ito, ang primaryang pinag-aaralan ng paaralang ito ay ang epekto at accuracy ng komunikasyon. Ayon pa kay Fiske, para sa taga-process school, ang mensahe ay pinapadala sa proseso ng komunikasyon. Dagdag pa niyang sa process school, “The message is what the sender puts into it by whatever means.

Nakikita nitong ang proseso ng komunikasyon ang magpapasya sa ika-tatagumpay ng komunikasyon. Ayon pa kay Fiske, tinitingnan nito ang pagpapaunlad sa proseso bilang papapataas ng panlipunang kontrol (social control). Ang katangian at pagpapahalagang ito ang di-umano’y dahilan sa pagkahumaling ng karamihan sa mga konsepto at teorya ng process school. Idinagdag pa ni Fiske, ito daw ang punto de bista ng isang advertising executive.

Ang semiotika nama’y tinitingnan ang komunikasyon bilang “produksyon at palitan ng kahulugan.” Pinag-aaralan nito ang interaksyon sa pagitan ng teksto (mensahe) at ng tatanggap nito para makabuo ng kahulugan. Tinitingnan nito ang “pangkultura (cultural) at/o panlipunang (social) pagkakaiba” ng tatanggap bilang mapagpasya aspeto sa kahulugang mabubuo. Hindi nito tinitingnan kung gaano ka-epektibo ang komunikasyon, bagkus, mas pinahahalagahan nito ang “pamamaraan ng pagbasa” dito.

Para sa mag-aaral ng semiotika, ang kahulugan ng mga teksto ay mabubuo sa interaksyon ng tumanggap nito at ng teksto mismo. Ito ang sinabi niya hinggil dito:

The message … (is) an element in a structured relationship whose other elements include external reality and the producer/ reader.

Ibig sabihin, sa panlipunan at ideolohikal na posisyon ng tumatanggap ng mensahe nakabatay ang pagpapakahulugang gagawin niya sa mensahe. Mula sa pahayag na ito ay mababanaag ang kahalagahan ng pagbasa ng posisyon ng nagpadala at tumanggap ng mensahe.

Maaaring suriin ang katangian ng mga theory-oriented na kurso base sa dalawang paaralang binanggit ni Fiske. Gamit ang pangkalahatang balangkas ng dalawang eskwelahan, maaaring suriin kung ano bang paaralan ang dominante sa mga theory-oriented na kurso. Mula dito, babasahin natin ang posibleng impluwensya nito sa pelikula ginawa ng mga estudyanteng dumaan sa mga kursong ito.

Walang nirerekomendang wastong paaralan si Fiske, bagama’t may pahayag siyang ganito:

It is not my intention to suggest that there is a right and wrong way… But there are ways that are more or less fruitful.

Ayon sa kanya, ang semiotika ang “mas nakakatugon” sa mga tanong hinggil sa komunikasyon dahil na rin sa ipinapaliwanag nito ang mga penomena ng pang-araw-araw. Ngunit aminado pa rin si Fiske na may kakulangan ang ganitong giya. Ang kakulangang ito naman ang pinupunan ng process school. Nirekomenda pa rin niyang pagaralan ang dalawang paaralan.

Si John Fiske ay propesor ng Komunikasyon sa University of Wisconsin-Madison. Sya rin ang awtor ng The Jeaning of America, sanaysay hinggil sa maong bilang sityo ng tunggaliang kultural.

*para sa mga guro sa aking dating kolehiyo, at sa mga estudyante ng komunikasyon na buryong na buryong na sa objective type na exam sa mga klaseng pan-teorya.

imahe mula sa http://www.mediate.com/Fiske/images/fiskesm.jpg

4 komento:

Straycat260 said...

Huwaw, ambigat neto ah., anong semiotika, nakaka-nosebleed.

Pasyon, Emmanuel C. said...

pag-aaral ng mga "tanda," sabi ng wikipedia. hihi. hanap ka ng J. Fiske friend. masarap at medyo madali lang syang basahin.

Straycat260 said...

sige, hu-huntingin ko yang si pareng j. fiske na yan.
For the mea time, bili muna ako ng fiske crackers, sawsaw ko sa suka, miryenda.

Pasyon, Emmanuel C. said...

(cue: perfect combination)

ayus! fiske at fiske crackers! what more could you ask for?

(fade out)

nahatak ng sentro de grabedad