Sa sanaysay na ‘Pelikula bilang Mapagpalayang Sining’ sa librong ‘Writing the Nation/ Pag-akda ng Bansa,’ iginiit ni Prop. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining at kilalang manunuri ng kulturang Pilipino, ang pulitikal na katangian ng pelikula. Aniya, mapagpasya ang namumuhunan pagdating sa kalalabasan ng pelikula. Dagdag pa niya, ang mga pagpapahalagang nakaukit sa pelikula, “kundi man tuwirang nanggagaling sa prodyuser, ay may pahintulot nito.”
Ang pagpapahalagang inukit o pinahihintulutang iukit sa pelikula ay yaong pabor sa interes ng namumuhunan. Samakatuwid, hindi sa pagpapalaya o di kaya’y pagpapaunlad ng kamalayang panlipunan ang diin ng pelikula. Bagkus, ito ay nakatuon sa kita, o kung tataluntunin ang balangkas ni Louis Althusser, Marxistang Pranses, sa ‘reproduksyon ng kondisyon sa produksyon.’ Ibig sabihin, ang mga pagpapahalaga at ideya sa mga pelikula ay nagpapanatili sa namamayaning kaayusan.
Sa kabila ng ganitong oryentasyon ng industriya ng pelikula, may binabanggit si Lumbera na pelikulang mapagpalaya. Aniya, mapagpalaya ang pelikula kung ito ay nagsisilbing daluyan ng mga mapagpalayang ideya, kundi man ay bumabalikwas sa namamayaning kaayusan sa lipunan. Halimbawa na lamang ang ‘Maynila sa mga Kuko ng Liwanag’ (direksyon ni Lino Brocka) na nagpapakita sa tunay na kalagayan ng Maynila sa panahong ipinagpipilitan ng dating Unang Ginang Imelda Marcos na ‘the true, the good and the beautiful’ lamang ang dapat lamnin ng mga pelikulang Pilipino. Kaiba sa mga pelikulang nais magpamanhid sa panlipunang kamalayan ng mga manonood nito, naglalayong magmulat sa mga panlipunang diskurso ang mga mapagpalayang pelikula.
Malayu-layo na rin ang narating ng ganitong uri ng pelikula, ayon kay Lumbera. Sa ‘Philippine Cinema: A Brief History’ indirekta niyang tinukoy ang akademya bilang pangunahing tagapag-ambag sa pag-unlad nito. Aniya, hindi pa sa teknikal na aspeto ng paggawa ng pelikula mababanaag ang ambag ng akademya sa industriya ng pelikula. Ang pangunahing impluwensya umano ng akademya sa larangan ng pelikula ay sa ‘pagpapaangat ng kakanyahan… sa paggawa at pagsusuri ng pelikula.’ Naisasakatuparan ito sa pagbabahagi ng akademya ng mga ‘pamantayang magagamit sa pamimili o di-kaya’y paggawa ng mahusay o kapaki-pakinabang na panoorin.’
Kinikilala at sinasandigan ng pag-aaral ang pahayag ni Lumbera hinggil sa halaga ng akademya sa industriya ng pelikula. Ang akademya, partikular ang Unibersidad ng Pilipinas, ang isa sa posibleng lunsaran ng mga konsepto at ideyang mapagpalaya dahil na rin sa hindi pa ito gaanong natatali sa layaw ng mga namumuhunan. Malaya itong nakapaglulunsad ng mga aktibidad at proyekto ng hindi nililimitahan ng layaw ng nagmamay-ari ng Unibersidad dahil walang indibidwal o grupo na nagmamay-ari dito. Samakatuwid hindi ito natatali sa interes ng iilan.
Ibig sabihin nito’y may kalayaan ang mga estudyante na gawin ang nais nilang pelikula nang hindi dinidiktahan ng nais ng mamumuhunan. Kung gayun, ‘malaya’ ang estudyante na magpasok ng mga pagpapahalaga at ideyang tumutunggali sa namamayaning kaayusan. Sa kabila ng ‘kalayaang’ gumawa ng nais na pelikula, ang limitasyon sa pinansya ang isa sa pangunahing problemang kinakaharap ng mga pelikulang hindi tumatanggap ng pondo mula sa malalaking mamumuhunan. Sa kabila ng limitasyong nabanggit, naipamalas ng UP Baguio ang kakanyahan ng mga estudyante nitong maglunsad ng independent film festival. Katunayan na nilahukan ng mga estudyante mula sa Departamento ng Komunikasyon, Kolehiyo ng Sining at Komunikasyon.
Naaayon naman ang ganitong paggawa ng pelikula sa oryentasyon ng UP bilang isang institusyong pang-edukasyon na ayon kina Maria Luisa Doronilla at Ledivina Cariño, pangkalahatang patnugot ng ‘The Meaning of UP Education,’ ay tungo sa pagsisilbi sa sambayanang Pilipino. Ang ‘The Meaning of UP Education’ ay pag-aaral hinggil sa bisa (impact) ng edukasyon ng Unibersidad.
Ayon kina Doronilla, ang edukasyon ay “nagbibigay diin sa ilang partikular na aspeto ng reyalidad.” May di-pagbabanggit (non-utterance) na nagaganap dahil hindi posibleng masaklaw ang pangkalahatang “reyalidad.” Samakatuwid, nahuhubog ang nosyon ng estudyante sa reyalidad batay sa binibigyang diin na aspeto nito. Halimbawa, kung ang binibigyang diin na teorya hinggil sa komunikasyon ay yaong tinitingnan ito bilang proseso malamang ito ang tatatak sa isipan ng mag-aaral nito. Sa pagbibigay diin at pagsasantabi ay masasalat ang linyadoing katangian ng edukasyon.
Bukod sa pagbibigay diin/pagsasantabi, malaki rin daw ang ambag ng edukasyon sa pagbasa ng estudyante sa reyalidad. Kaugnay ng asersyon nina Doronilla ang depinisyon ni Althusser ng ideolohiya. Aniya, ang ideolohiya ay “representasyon ng likhang isip (imaginary) na relasyon ng indibidwal sa kaniyang materyal na kundisyon, relasyon sa produksyon at relasyong pang-uri (class relations). Bukod dito, ang ideolohiya ay may materyal na manipestasyon, samakatuwid, materyalidad. Ayon pa kay Althusser, maaaring basahin ang ideolohiya ng isang suheto sa pamamagitan ng pagsusuri sa materyalidad ng kanyang ideolohiya.
Tulad ni Althusser, pinapasinungalingan din ng mga pahayag ni Doronilla ang nosyon na ang akademya, lalo na ang UP, bilang institusyong walang pinapanigan. Malaki ang papel nito sa paghubog ng kamalayan ng indibidwal na napapaloob dito. Makapangyarihan ang edukasyon dahil sa kakayahan nitong humubog ng indibidwal na maaari maging ahente ng transpormasyong panlipunan o pagpapanatili ng kaayusan nito.
Lumabas din sa pangkalahatang ebalwasyon ng mga roundtable discussions (RD) sa ‘The Meaning of UP Education’ ang tensyon sa pagitan ng mga kurso na theory-oriented at kurso na application oriente. Ang una ay tumutukoy sa mga kursong may diin sa teoretikal o batayang konsepto ng disiplinang kinabibilangan, samantalang pagpapaunlad ng kakayahan at aplikasyon ng teorya naman ang diin ng huli.
Nagkaisa ang iba’t-ibang kolehiyo, maging ang UP Integrated School sa UP Diliman, na kasama sa pag-aaral na importante ang teoretikal na pundasyon, kung kaya’t kailangan ng diin dito. Sa kabila nito, kailangan din na tugunan ang mga kasanayan na hinihingi sa merkado.
Ayon kay Doronilla importante ang praxis dahil na rin sa posisyon ng Unibersidad sa lipunan. Ganito pinahalagahan ni Doronilla ang praxis:
Research and extension service, when closely linked with curriculum and instruction, are important to this process of integration: the former to link theory-building in the disciplines to the empirical local situations; the latter to use theoretical knowledge to understandand and contribute to the improvement of local conditions.
Idiniin din ni Murray Bartlett, unang presidente ng UP ang halaga ng praxis. Ayon sa kanya, “Research without application is expensive luxury, but application without research is folly…” Sa madaling salita, walang saysay ang teorya kung hindi ito maisasapraktika, at wala ring saysay ang praktika kung hindi ito ginagabayan ng akmang teorya.
Ipinanukala din sa pag-aaral ang pangangailangan sa regular na pagpuna sa kurikula upang ma-iakma sa pangangailangan ng panahon. Nagpasa naman ng rekomendasyon ang ilang kolehiyong kasama sa pag-aaral na isama ang mga isyung panlipunan sa mga kurso, para naman tugunan ang nakitang pagbaba sa antas ng kamalayang panlipunan sa mga estudyante ng Unibersidad.
Importante ang regular na ebalwasyon, lalo na sa edukasyon na isa sa pangunahing sektor ng lipunan. Napapanahon na rin upang siyasatin ang epekto ng edukasyong natatanggap mula sa Departamento ng Komunikasyon dahil na rin sa ambag nito sa larangan ng Komunikasyon, lalo na at isa ito sa bukal ng mga posibleng mamamahayag, manunulat at manlilikha ng pelikula.