5.8.08

'Indi na Indie*

Hindi na rin siguro tamang (o accurate, baga) i-label na independent cinema ang karamihan sa lumahok sa Cinemalaya. Masasabing indie ang dahil hindi tali sa pinansyal na tulong/kontribusyun. Bagkus, may kalayaan lumikha/bumuo ng mapapait na diskurso para sa status quo. Sa kaso pa lang ng funding mula sa mga institusyon ng Estado nawalan na ng integridad ang label na indie.

Isa pa, sa alaala ko, may sinulat si Prof. Lumbera hinggil sa indie cinema at alternative cinema. Sa salaysay ay pinag-iba nya ang dalawa. Habang ang una ay may pangunahing katangian di tali sa pinansya ang produksyun, ang pangalawa ay mas depenido ang katuturan - ang mag-alay ng mga mapagpalayang ideya gamit ang pelikula. Marahil ito dapat (/sana) ang tunguhin ng Cinemalaya - ang magpalaya ng kaisipan, hindi pa talaga ang magbenta ng tiket.

Palagay ko hindi rin siguro maiiwasang ma-coopt ng Estado ang ganitong porma ng subersyon. Bagama't mahina ang kawing ng Estado sa mga Ideolohikal na Aparatong ng Estado, may kawing pa rin. At nakita nga nila ang efektibidad ng ganitong Aparato. Mula sa kooptasyun ay mukhang lumabnaw na nga ang dati'y malapot-lapot na diskursong hinahain ng mga pelikulang indie. Dinagdagan na ng tubig, nabawasan na ang substansya. Bagama't lokal ang mga kwento, nananatili at nakukupot sila sa personal na lebel (tulad ng sa boses). mangilan-ngilan na nga lang makikitaan ng pagtatangkang tumawid sa diskursong panlipunan, madalas palpak pa.

Kaya siguro kelangan tuloy-tuloy ang pagkontra sa mga tangka ng Kapangyarihang agawin ang mangilan-ngilang lunsarang pook ng subersyun at kontra-gahum.

* komento ko sa post ni R. Tolentino na Indie cinema bilang kultural na kapital. Nahabaan ako kaya nilagay ko na rin dito. Isang post din yun, akala mo.

11 komento:

Anonymous said...

salamat sa pagbisita sa aking blogsite. wala nga lang akong mga komentaryo dun tulad ng sa'yo. hehe. pero interesting ang post mo re indi na indie. matagal na tong diskurso sa cinemalaya mula pa noong first batch. ang sa tingin ko, ang pnaka-problematic talaga dito ay mismong organizers ng nabanggit na festival ay walang ideya kung ano nga ba ang indie. dahil umpisa pa lang, nilagay na nila sa kanilang goals na ma-introduce sa mainstream ang mga bagong filmmakers - sa tingin ko, ito pa lang ay salungat na sa pagiging indie.

parehong may maganda at pangit na naidulot ang cinemalaya sa ating kultura ng paggawa ng pelikula. umaasa lang ako na kayang labanan ng mga naglalabasang filmmakers ang mga pangit na dulot ng nagpapanggap na festival. marami-rami na ang nakakaramdam nito. bagamat marami pa rin ang sumasali at sumusuporta sa mga pelikula ng cinemalaya, na sa tingin ko naman ay tama lang na ipagpatuloy, ang dahilan ay dahil ang cinemalaya pa lamang ang nagbibigay ng malaking exposure at screening para sa mga pelikulang hindi nagkakaroon ng pagkakataon maipalabas. ngunit pagkatapos ng cinemalaya, marami-rami rin ang bumabaklas at patuloy na gumagawa ng pelikula na wala sa ilalim ng kontrol ng festival.

onga pala, saan naka-post ang kabuuan ng paper ni prof. roland? meron ba? sayang, gusto ko sana dumalo sa forum niya mamaya sa UP, pero kelangan ko muna magpa-alipin sa trabaho. sana makapag-post ka tungkol dito kung makakapunta ka.:)

- isabelle

Pasyon, Emmanuel C. said...

tingin ko walang poblema sa pagpapakilala ng mga indie film sa mainstream na merkado. nga lang, sana maitaguyod pa rin ang esensya ng pagiging indie - ang pagkawala sa layaw ng mga namumuhunan, bagkus, pagpapakilala ng bago (at sana'y mapagpalayang) ideya/diskurso. palagay ko istratehiya ito ng tunggalian kultural/ideolohikal, ang lumikha ng bagong tereyn na pagrarausan. sa kasong ito, ang indie cinema. kaya sang-ayon ako sa sinabi mong buti na dulot ng cinemalya. nga lang, (palagay ko pareho din naman tayu ng asersyun) mukha natatalo tayu ng mga kontrabida.

p.s. kinalulungkot kong sabihing pareho tayung kelangan magpaalipin sa trabaho. hay. at kung sakali mang makakapunta ako, magpapareserba muna ako ng dugo sa red cross. slow learner ako eh, hirap umarok sa mga konseptong inihahain ng pilosopong avant-garde tulad ni R.T. anyway, dito matatagpuan si prof. tolentino: http://rolandotolentino.wordpress.com/

salamat po sa komento.

Pasyon, Emmanuel C. said...

ito pala yung eksaktong url salaysay na tinutukoy: http://rolandotolentino.wordpress.com/2008/08/03/indie-cinema-bilang-kultural-na-kapital-kpk-column-bulatlat/

Straycat260 said...

Sa akin naman Eman, indie pa rin ang indie na ito sa Cinemalaya. Napanuod ko ang halos lahat ng competition films at di ko kinakitaan ng megastar at star fo all season ang gumanap. ang nakita ko ay mga simpleng artista na di mo aakalaing magiging bida. Pelikulang komersyal ang kasalungat ng indie para sa akin at mahalagang elemento nito ang istorya ng manunulat. Dahil dun sapul ng mga pelikulang cinemalaya ang esensya ng indie.

Sa ganang akin kapag nakita ko ng lumalahok ang Star Cinema, GMA films, Viva, Regal, Seiko at iba pa ng film outfit. Hihinto na ako ng panunuod rito at manunuod na lang sa mga luma at bagong sinehan sa mall..

Pasyon, Emmanuel C. said...

sangayon ako sa punto mong komersyal na pelikula ang kasalungat ng indie cinema. Subalit, sa pagsusuri ng pinansyal na kaligiran ng penomenang cinemalaya, makikita na si tonyboy cojuangco ang pangunahing pumopondo dito (ayun nga sa sulatin ni Prof. R.Tolentino). At kung susuriin nga ang patakaran ng cinemalaya, makikita na dumadaan sa pagsusuri ng nasabing institusyun ang materyal bago ito ma-aprubahan. Samakatuwid, may gatekeeper na - at sumang-ayun ang mga gustong lumahok dito (sa punto pa lamang ng pagpapasa ng proposal). Hindi nga tali sa malalalking production outfit, ngunit tali (dependent) pa rin sa pondo ng cinemalaya. Gaya nga ng sabi ni Prof. R.T.:
ang nangyari na nga ay ang terminong “indie film” ay nasubstantiate na nga ng gatekeepers nito–cinemalaya, ccp at mismong filmmakers na lumahok dito.
Mula sa kontekstong ito, masasabi kong walang laman ang tag na indie cinema. Hindi na ito awtomatikong tag para sa mga kalahok ng cinemalya, bagkus kelangan muna nitong patunayang pumapaloob nga ito sa ganung kategorya.

Hindi ko rin sinasabing wag na tayu manood ng mga pelikulang handog ng cinemalaya. Bagkus, ine-engganyo kong manood ang may pera at oras (at pasensya) upang masuri mabuti ang mga pelikulang kalahok. Kailangan maging aktibo ang kamalayan sa panood ng sine, kelangan itong basahin (ayun nga kay B. Lumbera). Sa ganitong paraan ay maisasambulat kung panu at san nakaposisyun ang diskursong bitbit ng pelikula.

Pasyon, Emmanuel C. said...

p.s. nasa listahan ng link ko ang blog ni isabelle. isabelle anna matutina: Shooting Up.

Straycat260 said...

Bigatin ka na eman, magaling na direktor yan. Napanuod ko yung Puwang na short film niya. Galing niya sobra.

Pasyon, Emmanuel C. said...

sya bigatin kapatid, di ako. ako'y pawang langay lamang sa gulugod ng kalabaw.

(ikaw nga direk stray na eh. hihi.)

Nan Santamaria said...

sapul. bagama't pabor ako sa pagmamarket ng indie films (by all means, ipagkalat natin ang sensibilidad, di ba?), naniniwala rin akong hindi dapat naisasakripisyo ang karakter nito (ang pagsisiwalat ng ideyang marhinal) para sa LAHAT ng kahingian ng merkado (ayon sa tingin ng prodyuser).

Pasyon, Emmanuel C. said...

salamat, kapatid. hindi pa talaga sa presentasyun o teknikalidad, sapul mo nga, ideya/pagpapahalagang binigbigyang diin ang kinukwestyun ko.

p.s. ngayun ko lang napansin ang bangis ng pic mo, may mala-silhouette pang moda. hihi.

Nan Santamaria said...

wag mo nang pakekelaman, indie yang pic na yan :P

nahatak ng sentro de grabedad