26.6.06

Introduksyon (sa mga posibilidad)

Nitong June 20, ay dalawa na namang mamamahayag ang pinaslang ng dalawang naka-motorsiklong lalaki. Bukod dito ay wala na akong maalala pang ibang detalye ng balita. Tila “normal” na ang ganitong pangyayari. Mahina ang isang mababalitang insidente sa isang linggo.
Hindi lang naman mga mamamahayag ang pinatatahimik. Daan-daan na din ang mga lider masa, taong simbahan at estudyanteng pinatay. Kung dito sa Kordilyera, si Markus Bangit, kilalang pangat ng Kalinga. Mga taong bokal na nagpapahayag ng pagbalikwas.
Ano nga ba ang kabayaran ng demokrasya? Ng kalayaang makapagpahayag ng opinyon? P 1,000,000.00?
Kung inaakala ng sinuman na sa ganitong paraan ay mapapatahimik ang pangangarug ng tiyan, ngayon pa lang ay nagkakamali na sila. Mukha mang walang kapangyarihan ay libo-libo pa rin ang posibilidad ng pagalagwa. At hindi ang mga nakamotorsiklong death squad ang magpapasya sa hinaharap. Sila ay simpleng footnote lamang.
Batay na rin sa kasaysayan ng 1896, tanging kolektibong pagkilos lamang ang makapagpapagalaw sa gulong ng kasaysayan.
Sabi nga ng introduksyon sa 24/7 walang panahon “Sa harap ng mapanlinlang na panahon, walang panahon para tumagibang. Walang panahon para sa pananahimik. Walang panahon para magpaumanhin. Sapagkat ang 24/7, lagi’t lagi, ay panahon ng pagpapasya.”
At ito ang aking napagpasyahan.
* para sa mga inagawan ng pagkakataong makapagpaalam

nahatak ng sentro de grabedad